CLARK PAMPANGA – Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga specialty center sa iba’t ibang rehiyon, inilabas ng Department of Health (DOH) ang mga larawan ng itinatayong Pediatrics Building sa kauna-unahang multispecialty center sa Clark Freeport Zone.
Ang nasabing pasilidad na may mahigit 100-bed capacity ay magsisilbing sentro para sa kalusugan ng mga bata hindi lamang sa Pampanga kundi pati na rin sa mga karatig-lalawigan. Layon nitong magbigay ng espesyalisadong pangangalaga sa mga pediatric patient sa rehiyon.
Kabilang sa mga serbisyong iaalok sa pagbubukas nito ay ang Out-Patient Department Specialty Clinics, Pediatric Cardiology, Neonatal Intensive Care Unit (NICU), at Pediatric Intensive Care Unit (PICU).
Magkakaroon din ito ng radiologic imaging, laboratoryo, pharmacy, at iba pang pediatric subspecialty services.
Nakatakdang magbukas ang pasilidad sa Hulyo 2026, na magdadala ng mas maayos at modernong serbisyong medikal para sa mga kabataan sa Gitnang Luzon.




