Nagsagawa ng pinaigting na manhunt operation ang mga kapulisan matapos makatakas ang isang preso na may kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 mula sa Zambales Provincial Jail sa Sitio Balili, Brgy. Palanginan, Iba, Zambales.
Naiulat ang insidente kahapon, Pebrero 17, 2026 matapos makatanggap ng tawag sa telepono ang kinauukulang tanggapan na nagsasabing nakatakas ang preso na si Emilliano Agustin y Maglonzo, 38 taong gulang na residente ng Brgy. Lipay, Sta. Cruz, Zambales.
Ayon sa saksi na isang Prison Guard, Assistant Commander ng naturang piitan naganap ang insidente habang siya ay tumutulong sa isang pang preso. Sinamantala umano ng tumakas ang pagkakataon at biglang tumakbo palabas sa Post 2 gate, dumiretso sa main gate, at tuluyang nakalabas ng pasilidad.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Iba Municipal Police Station at nakipag-ugnayan sa mga karatig himpilan ng pulisya at iba pang law enforcement agencies upang magsagawa ng checkpoints at hot pursuit operations para sa agarang pagkakaaresto ng nasabing preso.
Tinitiyak ng Zambales Pulis sa publiko na patuloy ang mas pinaigting na operasyon sa paghahanap. Hinihikayat ang mamamayan na manatiling mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng tumakas na preso.
Para sa agarang pakikipag-ugnayan, tumawag sa ZPPO TOC sa numerong 09985985502 at Iba MPS sa 09985985513.


