P70 MILYONG SMUGGLED NA SIGARILYO, NASAMSAM SA PAMPANGA; OPERATIBA, PINAGHAHANAP ANG MGA SUSPEK

Pillars Central News
2 Min Read

SAN SIMON, Pampanga — Aabot sa mahigit P70 milyong halaga ng pinaniniwalaang smuggled at walang buwis na sigarilyo ang nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa loob ng isang business park sa bayang ito.

Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kasama ang iba pang yunit ng pulisya noong Pebrero 16 at 17.

Ang ikinasang raid ay bahagi ng Oplan Megashopper, na naglalayong sugpuin ang ilegal na kalakalan ng sigarilyo sa rehiyon.

Ayon sa ulat ni CIDG Regional Field Unit 3 chief Col. Grant Gollod, nagsilbing klues ang isang napanood na press conference ng isang concerned citizen.

Dahil dito, nakarating sa mga awtoridad ang impormasyon tungkol sa pinaghihinalaang imbakan ng ipinagbabawal na sigarilyo sa isang bodega na matatagpuan sa Golden Sun 999 Business Park, Barangay San Pablo Libutad.

Sa pangunguna ng CIDG at sa koordinasyon ng BIR Revenue Region 4, nagsagawa ng validation ang mga operatiba kung saan nakumpirma ang kahina-hinalang aktibidad.

Natuklasan sa loob ng bodega ang iba’t ibang brand ng sigarilyo kabilang ang Modern, HP, at Delta, kasama ang iba’t ibang hilaw na materyales na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo.

Batay sa tala ng barangay, lumalabas na walang kinakailangang permiso upang mag-negosyo ang nasabing warehouse.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng operasyon. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng CIDG sa pamunuan ng Golden Sun 999 Business Park at sa lokal na pamahalaan upang matunton ang may-ari o umuupa ng naturang pasilidad.

Samantala, mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang nasabing bodega habang hinihintay ang paglipat ng mga nakumpiskang sigarilyo sa itatalagang pasilidad ng Japan Tobacco International (JTI) para sa proper disposition. Wala pang nahuhuling suspek sa ngayon.

Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *