CAPAS, Tarlac – Matagumpay na naisagawa ng Manila Police District (MPD) Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team ang isang malawakang disposal operation sa pamamagitan ng controlled demolition ng iba’t ibang uri ng sumasabog na materyales noong Pebrero 12, 2026.
Sa pangunguna ni Police Captain Christopher R. Millan, Officer-in-Charge ng District Explosive Canine Unit (DECU) ng MPD, pinasabog ng kanyang grupo ang humigit-kumulang 60 piraso ng mga nakuhang UXO (Unexploded Explosive Ordnance), ERW (Explosive Remnants of War), at iba pang pampasabog na na-recover mula sa iba’t ibang bahagi ng Lungsod ng Maynila.
Kabilang sa mga idinispatsa ang mga malalaking kalibre ng bala, kung saan ang pinakamalaking piraso ay isang 155MM Projectile Round. Ilang hand grenade at maliliit na bala ng armas ang isinailalim din sa controlled explosion upang masigurong ligtas na ang mga ito.
Ayon sa ulat, ang mga nasabing pampasabog ay pansamantalang inimbak sa pasilidad ng Regional EOD at Canine Unit (RECU) National Capital Region (NCR) na matatagpuan sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City bago isinagawa ang disposal.
Ang aktwal na bombing operation ay isinagawa sa Crow Valley Gunnery Range sa Barangay Sta. Juliana, Capas, Tarlac. Ito ang itinuturing na isa sa mga pinakaligtas na lugar sa rehiyon para sa ganitong uri ng operasyon dahil sa layo nito sa sibilyang populasyon.
Kasama ni PCapt. Millan sa nasabing operasyon si Police Major Alejandro L. Parta Jr., OIC ng RECU NCR, kasama ang kanilang pinagsamang team ng mga bomb technician.
Nag-umpisa ang disposal operation noong Pebrero 10 at nagtapos bandang ika-4 ng hapon ng Pebrero 12, 2026. Tiniyak ng mga awtoridad na nasunod ang lahat ng safety protocols upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at ng mga tauhang kasama sa operasyon.


