CENTRAL LUZON, MAGKAKAROON NG KARAGDAGANG PASILIDAD PANG-EDUKASYON SA ILALIM NG DEPED-LGU PROGRAM

Pillars Central News
2 Min Read

Nakatakdang lumikha ng mas maraming pasilidad pang-edukasyon ang Central Luzon sa pamamagitan ng DepEd-LGU Program na naglalayong palakasin ang sektor ng edukasyon sa rehiyon.

Sa isang seremonyang pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pumirma ang mga opisyal ng Local Government Units (LGUs) ng isang Memorandum of Agreement (MOA) sa DepEd na naglalayong magtayo ng mas maraming silid-aralan.

Sa ilalim ng kasunduan, pinapayagan ang mga LGU na gamitin ang pondo para sa pagpapatayo at pagpapanatili ng mga silid-aralan.

Mapapabilis nito ang pagtatayo ng mas matibay, ligtas, at maayos na mga pasilidad para sa mga mag-aaral bilang bahagi ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Marcos na tugunan ang kakulangan sa bilang ng mga silid-aralan sa bansa.

Ang programa ay nakabatay sa 2026 National Budget na inaprubahan ng Pangulo, kung saan ipapasa ng DepEd ang pondo para sa pagpapatayo ng silid-aralan sa mga LGU upang masiguro ang mabilis at maayos na implementasyon ng proyekto, lalo na sa mga malalayong lugar.

Kabilang sa pumirma ng MOA, si Zambales Board Member Rundy Ebdane, na naging representative ni Zambales Governor Hermogenes E. Ebdane Jr. para dumalo na isa rin sa nagpapakita ng patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan para sa pagtiyak ng mas magandang kinabukasan para sa kabataang Zambaleño.

Layunin ng programang makapagtayo ng 4,000 bagong silid-aralan sa rehiyon bilang bahagi ng 145,000 classroom backlog, na may paunang tranche na ₱9.6 bilyon para sa 1,200 silid-aralan at 2,800 pre-fabricated na silid-aralan, na sinusuportahan ng 2026 GAA na nagkakahalaga ng ₱85.39 bilyon para sa Basic Education Facilities.

Tiniyak ni Pangulong Marcos ang buong transparency at pagsunod sa mga pambansang pamantayan.

Sa isang panyam naman kay Gov. Ebdane, labis umano ang kayang pasasalamat dahil magagandang plano ng Pangulo kabilang ang pagpapalakas sa edukasyon na labis na makikinabang hindi lang ang lalawigan kundi buong bansa.

Share This Article