MONGOLIAN PILOT STUDENT, INARESTO SA ZAMBALES DAHIL SA UMANO’Y ISANG SPY

Pillars Central News
2 Min Read

IBA, Zambales — Isang pilot student mula sa Mongolia ang inaresto ng mga awtoridad sa bayan ng Iba nitong Miyerkules, Pebrero 12, 2026, sa ikinasa umanong joint inter-agency security operation dahil sa paglabag sa immigration laws at posibleng espiya.

Kinilala ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na si Bold-Erdene Boldbaatar, 30 anyos, na estudyante ng All Asia Aviation Academy na matatagpuan sa nasabing bayan. Ayon sa ulat, dinakip si Boldbaatar sa Barangay Lipay Dingin matapos matuklasang may hindi idineklarang military affiliation at aviation combat training nang mag-apply ito ng Philippine visa at Special Study Permit.

Batay sa imbestigasyon ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Region 3, nagtapos ang suspek sa Defense University of Mongolia at Civil Aviation University of China, at lisensyadong jet fighter pilot. Binabantayan umano ito ng mga awtoridad dahil sa kanyang kahina-hinalang galaw habang sumasailalim sa solo flight training.

Kabilang sa mga ispesipikong inireklamo laban sa kanya ang pagkuha umano ng aerial photographs ng Iba Airport at Palauig River—mga lugar na sensitibo ayon sa militar, dahil sa lapit nito sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea. Ang Iba ay tinatayang 120 nautical miles lamang ang layo mula sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng magkasanib na pwersa ng Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at NICA Region 3. Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga otoridad ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Commonwealth Act 613, o ang Philippine Immigration Act of 1940.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matiyak kung may iba pa itong koneksyon o kasabwat sa naturang umano’y espiya.

TAGGED:
Share This Article