MAINIT NA PAGBATI SA BAGONG TINIG NG MGA KATUTUBONG AETA!

Pillars Central News
2 Min Read

BURGOS, ZAMBALES– Isang makasaysayang hakbang tungo sa mas matibay at direktang representasyon ng katutubong pamayanan ang isinagawa sa pagtatalaga at panunumpa sa katungkulan ng bagong halal na Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) sa munisipyo at barangay.

Sa isang seremonyang puno ng pagkilala sa kultura at tradisyon, opisyal na nanumpa sa tungkulin sina Municipal IPMR Ramon C. Abejon Jr. at Poonbato Barangay IPMR Ronillo D. Raquel. Sila ang magsisilbing pangunahing boses ng mga kapatid na Aeta sa pagbuo ng mga patakaran at programa sa kanilang nasasakupan.

Ang makabuluhang okasyon ay pinangunahan ni Mayor Jun Omar Ebdane, na patuloy na nagbibigay-priyoridad at halaga sa aktibong partisipasyon ng mga katutubo sa pamamahala. Iginiit ng alkalde na ang pagtatalagang ito ay hindi lamang pormalidad kundi isang matibay na patunay ng pagkakaisa at pagkilala sa karapatan at karunungan ng mga unang mamamayan ng lalawigan.

“Ang tinig ninyo ay tinig ng buong pamayanang katutubo. Kasama kayo sa bawat hakbang ng pagpaplano at pag-unlad ng ating bayan,” pahayag ni Mayor Ebdane sa kanyang mensahe.

Naging espesyal na saksi at tagapagdalang salita sa programa si Provincial IPMR Carol Guevarra. Binigyang-diin niya ang importansya ng tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan at koordinasyon mula sa barangay hanggang sa lalawigan upang masiguro na hindi napag-iiwanan ang mga katutubo at kanilang mga pangangailangan.

Dumalo rin upang magbigay-pugay ang mga opisyales at miyembro ng Sangguniang Barangay at mga pinuno ng tribu mula sa Burgos at Poonbato, na nagpakita ng malawakang suporta sa bagong pinuno.

Sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), ang posisyon ng IPMR ay nagsisigurong may lehitimo at nakatalagang kinatawan ang mga katutubong pamayanan sa mga lokal na sanggunian, upang maitaguyod ang kanilang kapakanan at protektahan ang kanilang mga lupang ninuno at karapatang kultural.

TAGGED:
Share This Article