SUBIC BAY FREEPORT – Nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Provincial Training-Workshop on Peace and Order and Public Safety Plan Formulation sa Travelers Hotel sa Subic Bay Freeport noong Oktubre 13, 2025.
Layunin ng tatlong araw na workshop na ihanda ang Pamahalaang Panlalawigan at mga yunit ng pamahalaang lokal sa Zambales sa potensyal na panganib na dala ng pagtama ng “The Big One” sa Pilipinas, pati na rin ang tuluy-tuloy na lindol na nararamdaman sa buong bansa.
Kasabay din nito ang pagiging handa din sa bawat kalamidad na maaring mangyari sa probinsya tulad ng bagyo, pag baha at tsunami.
Ayon kay Gobernador Hermogenes Ebdane Jr., maaaring gumawa ng malawakang pinsala ang “The Big One” sa Kalakhang Maynila at mga karatig-lalawigan, na nag-udyok sa kanya na magsagawa ng Emergency Response Meeting at Contingency Briefing.
Dagdag pa niya, tinatalakay sa briefing ang paghahanda at agarang pagtugon ng mga ahensya ng pamahalaan sa lalawigan sa posibleng kalamidad o sakuna na maaaring tumama sa Zambales, aniya, at layunin ng pulong na patatagin ang koordinasyon sa pagitan ng pamahalaang lokal at pamahalaang nasyonal.
Humigit-kumulang 200 na kalahok ang lumahok sa nasabing workshop, kabilang ang mga Local Chief Executive ng mga munisipyo sa Zambales, Provincial Planning and Development Office, Municipal Planning and Development Council, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, Municipal Disaster Risk Reduction Office, PNP, Bureau of Fire Prevention, mga hepe ng ospital, mga municipal health officer, Provincial Engineering Office, at ang Financial Cluster kasama din sa nasabing aktibidad ang Philippine Army ng Zambales.
Nakatakdang magpatupad ang Pamahalaang Panlalawigan ng isang three-tiered contingency plan na kinabibilangan ng: Intelligence Gathering and Forecasting na may layuning mangalap ng impormasyon at kakayahang makaalam nang maaga; Target Hardening, o ang paghahanda para sa pangyayari; at Incident Management, o ang pamamahala sa mga pinsala at reperkusyon ng insidente.
Ang “The Big One” ay isang terminong karaniwang ginagamit para tumukoy sa isang haka-haka, ngunit napipintong malakihang lindol na may magnitude 7.2 na inaasahang maganap sa Kalakhang Maynila. Matatagpuan ang Zambales sa isang seismically active na rehiyon at humaharap sa iba’t ibang mga panganib na kaugnay ng lindol.










