SUBIC, Zambales — Nasa 80 mangingisda sa mula sa Barangay Calapandayan, Subic ang dumalo sa ginanap na “Maritime Awareness Campaign at Fisherfolk Community Consultation and Dialogue Session” upang patatagin ang kanilang papel sa pangangalaga ng kanilang mga tradisyonal na pangisdaan na ginanap nitong Miyerkules ( Miyerkules, Oct. 1).
Ang nasabing programa ay pinangunahan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na naglalayong magbigay-kaalaman tungkol sa mga karapatan sa karagatan na magbigay-daan sa mga programa para sa kabuhayan at kapakanan.
Ayon kay NICA Regional Director Ulysses Untalan, ang kampanya ay hindi lamang para protektahan ang mga karapatan ng mangingisda kundi para na rin magtayo ng pangmatagalang katatagan.
“Layunin ng Maritime Awareness program na turuan ang ating mga komunidad, lalo na ang ating mga mangingisda, tungkol sa kanilang mga karapatan, partikular na sa pagtatanggol ng ating soberanya sa West Philippine Sea, upang malayang makapangisda sa ating katubigan,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, itinataguyod din ng inisyatibong ito ang mga alternatibong kabuhayan, dahil hindi palaging regular ang panghuhuli ng isda dulot ng off-season, masamang panahon, o ang paglala ng mga tensyon sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin din ni Untalan na pinalalakas ng programa ang koordinasyon sa pagitan ng mga mangingisda at mga ahensya ng pagpapatupad ng batas tulad ng Philippine Coast Guard, BFAR, at Philippine Navy upang matiyak ang kaligtasan sa dagat.
Sinabi naman ni Provincial Fisheries Office Aquacultural Technologist Rewil E. Murciano na patuloy ang ginagawa nilang suporta sa mga lokal na komunidad.
“Ang mandato ng aming ahensya ay protektahan at pamahalaan nang maayos ang ating mga katubigan, lalo na ang ating mga munisipal na katubigan kung saan ang ating mga mangingisda ang may pangunahing karapatan.
Kaalinsabay nito, nagkakaloob kami ng iba’t ibang programa tulad ng mga pagkakataon sa scholarship, tulong-pangkabuhayan, at pamamahagi ng kagamitang pangkahoyan tulad ng lambat, bangka, at makina.
Sinusuportahan din namin ang mga asosasyong nais magkaroon ng iba pang mapagkakakitaan sa pamamagitan ng fish processing sa pagbibigay ng pagsasanay sa paggawa ng tinapay na isda o sardinas,” ani niya.
Hinimok din ni Murciano ang mga mangingisda na sulitin ang suportang ibinibigay ng mga ahensya ng pamahalaan upang mas maging sustainable ang kanilang kabuhayan.
Dagdag pa rito, nagpahayag ng pasasalamat si Paulo Pomicpic Jr., isang mangingisda, sa tulong ng pamahalaan at nanawagan para sa patuloy na suporta.
“Nagpapasalamat ako sa mga ahensya ng pamahalaan sa kanilang patuloy na suporta sa amin.
Ang aming panawagan ay patuloy sana nilang kami ay tulungan sa aming mga gawaing pangkahoyan sa West Philippine Sea, upang kami ay hindi masyadong mahirapan.
Sa ngayon, kami ay lubog na lubog sa utang dahil sa pangha-harass ng China na pumipigil sa amin mangisda, lalo na malapit sa Scarborough Shoal. Kaya nagpapasalamat kami sa tulong ng pamahalaan, tulad ng probisyon ng fuel subsidy, at umaasa kaming magpapatuloy ang mga programang ito,” pahayag niya.
Ang mga ahensya tulad ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, at Department of Social Welfare and Development ay nagpakita rin ng mga serbisyo kabilang ang pagsasanay sa kabuhayan, pagpapaunlad ng kasanayan, at proteksyong panlipunan.
Bukod sa mga serbisyong pampamahalaan, nakatanggap din ng mga “relief pack” ang mga mangingisdang benepisyaryo.
Binigyang-diin din ng kampanya ang kahalagahan ng pagbibigay-kakayahan sa mga mangingisda upang manatili ang kanilang presensya sa West Philippine Sea habang pinapanatili ang kanilang mga kabuhayan, alinsunod sa pagdiriwang ng Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month o MANA MO para sa Setyembre 2025.



