Porac, Pampanga — Pormal nang pinagpapaliwanag ng Department of Environment and Natural Resources’ Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ang Eco Protect Waste Management Corporation tungkol sa paulit-ulit na paglabag nito sa environmental laws. Ito ay sa gitna ng lalong lumalakas na panawagan ng mga mamamayan na ipasara na ang naturang tambakan ng basura.
Sa isang liham na isinapubliko kamakailan, kinumpirma ni EMB Region III Regional Director Martin Jose V. Despi na naglabas ang kanyang tanggapan ng unang Notice of Violation (NOV) noong November 2024 at isa pa noong July 9, 2025 dahil sa hindi pagsunod ng Eco Protect sa Presidential Decree (PD) 1586, na sumasaklaw sa Philippine Environmental Impact Statement System, at sa Republic Act (RA) 9275, ang Philippine Clean Water Act.
“The facility is not yet registered as a Treatment Storage and Disposal (TSD) Facility; thus, it is not allowed to receive any treated hazardous waste,” sinabi ni Despi sa kanyang liham noong Hulyo 16.
Binigyan ang Eco Protect ng 15 araw para magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusa.
Gayunman, hanggang sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang DENR ukol sa kaukulang legal na aksyon, kahit lumampas na ang itinakdang palugit.
Kasabay ng pagkilos ng ahensya, naghain din ng petisyon ang Pinoy Aksyon for Governance and the Environment, Inc., isang citizens’ watchdog at policy think tank, na nananawagan kay DENR Secretary Raphael Lotilla na maglabas ng cease-and-desist order laban sa operasyon ng Eco Protect sa Barangay Mancatian, Porac.
Binanggit ng petisyon ang iba’t ibang problema, kabilang ang pagkakatayo ng tambakan sa marupok na lahar deposits mula sa pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991.
Ayon sa mga technical studies, ang lahar ay madaling gumuho at magdulot ng panganib lalo na kapag may malakas na ulan o lindol.
Ibinunyag din ng grupo ang panganib ng tambakan dahil sa lapit nito sa Pasig-Potrero River, isang pangunahing daluyan ng tubig na nagsusuporta sa mga kabahayan, sakahan, at irigasyon sa iba’t ibang bayan ng Pampanga.
Kung walang sapat na proteksyon, ayon dito ay maaaring maapektuhan ang mga pinagkukunan ng inumin at irigasyon dahil sa leachate o katas ng basura mula sa tambakan.
Binanggit din sa petisyon ang naging hakbang ni Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda, na noong Hunyo ay pansamantalang sinuspinde ang hauling permits ng mga trak ng basura mula Bulacan matapos niyang personal na inspeksyunin ang pasilidad.
Sa inspeksyong iyon, nadiskubre na may mga ipinapasok na basura galing sa labas ng Pampanga nang walang pahintulot mula sa local government ng Porac.
Ang mga basurang ito ay may kasamang medical wastes gaya ng ginamit na dextrose bags, na posibleng paglabag sa RA 9003 at RA 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act.
Para sa mga residente ng Porac at kalapit-bayan, mas malalim na usapin ang pakikipagsapalaran sa masangsang na amoy ng nabubulok na basura, alikabok na lumilipad hanggang sa mga kabahayan, at pangambang baka sa susunod na bagyo o lindol ay tuluyang bumigay ang tambakan.
Ayon kay Bency Ellorin, pangulo ng Pinoy Aksyon: “From unstable lahar terrain to toxic leachate and now verified hazardous waste violations, the case a Cease-and-Desist Order is both urgent and justified. Our rivers, air, and soil are not expendable. The people of Pampanga deserve nothing less than full protection under the law.”
Nanawagan din ang mga advocate ng transparency, kabilang ang paglalabas ng lahat ng Environmental Impact Assessments, groundwater monitoring data, at mga regulatory compliance reports na isinumite ng Eco Protect.
Ipinapanukala rin nila ang pagbuo ng isang independent review body na binubuo ng mga scientists, engineers, local officials, at community representatives upang masuri ang panganib at magrekomenda ng rehabilitasyon.
Isa ngayong mahalagang pagsubok sa pagpapatupad ng batas ang kaso ng Eco Protect dahil sa pagkumpirma ng DENR sa mga paglabag nito, at patuloy na panawagan ng mamamayan para sa agarang pagpapasara ng tambakan nito.
Ayon sa mga advocate, nakataya rito ang kalusugan ng mga komunidad sa Pampanga, ang kaligtasan ng mga ilog at sakahan, at ang kredibilidad ng mga environmental laws na dapat ay nagpoprotekta sa lahat.