Subic Bay Freeport – Pinangunahan nina BOC Port of Subic District Collector Noel C. Estanislao, Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel, at SBMA Chairman Engr. Eduardo Jose Aliño ang inspeksyon sa mga pinaghihinalaang smuggled agricultural products sa New Container Terminal, Subic Bay Freeport noong Martes. (BOC-Port of Subic)
SUBIC BAY FREEPORT– Nagsagawa ng pinagsamang inspeksyon ang Bureau of Customs (BOC) – Port of Subic, Department of Agriculture (DA), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) noong Martes (July 8) sa sampung 40-footer containers na may Alert Order mula sa DA.
Pinangunahan ni Port of Subic District Collector Noel C. Estanislao ang inspeksyon, kasama si DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño, bilang bahagi ng masinsinang hakbang ng pamahalaan laban sa agricultural smuggling.
Ang mga shipment na ito, na idineklara bilang “chicken lollipops” o “chicken poppers,” ay bahagi ng 31 shipments na kasalukuyang nakakustodiya ng customs, na naghihintay ng pisikal na pagsusuri at inventory dahil sa suspetsa ng misdeclaration.
Sa aktwal na inspeksyon, nakumpirma na puno ang mga containers ng mga produktong agrikultural mula sa China, kabilang ang carrots, white onions, at frozen mackerel, na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱100 milyon. Gayunpaman, naniniwala ang mga opisyales na maaaring umabot sa ₱300 milyon ang halaga nito kapag naibenta sa merkado.
Ang sinadyang maling deklarasyon ay itinuturing na tahasang pagtatangka upang makaiwas sa regulatory procedures at nagdudulot ng malubhang banta sa kalusugan ng publiko, food safety, at sa sektor ng agrikultura ng bansa.
Maglalabas ang BOC – Port of Subic ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga shipment dahil sa posibleng paglabag sa mga batas sa pag-angkat ng produktong agrikultural, misdeclaration, at tariff laws.
Iginiit ni Collector Estanislao ang commitment ng Port sa mahigpit na pagpapatupad ng customs laws: “Hindi namin palalampasin ang anumang uri ng smuggling na sumisira sa sektor ng agrikultura at naglalagay sa mga konsyumer sa panganib. Naninindigan ang Port of Subic sa pagpapatupad ng batas at pagprotekta sa ating mga hangganan.”
Sa kanyang bahagi, binigyang-diin ni Agriculture Sec. Laurel ang expanded accountability sa ilalim ng bagong batas: “Sa ilalim ng bagong Anti-Agricultural Economic Sabotage Law, maaari na nating habulin hindi lamang ang mga consignee, kundi pati ang mga customs brokers, transporters, sellers, at buyers. Hindi na ito isang victimless crime—tutugisin natin ang buong supply chain.”
Samantala, ang inspeksyong ito ay nagpapakita ng matibay na kolaborasyon ng BOC, DA, at SBMA bilang suporta sa direktiba ng Pangulo na sugpuin ang smuggling at pangalagaan ang pambansang food security.
Nagpahayag din ng buong suporta si Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, sa pamamagitan ni Collector Estanislao, para sa mas mahigpit na border protection at legal action laban sa agricultural smuggling.
Patuloy ang pagsusuri sa natitirang containers. Tiniyak ng Bureau of Customs sa publiko na lahat ng violators ay haharap sa batas, at walang patatad ang pagpapatupad nito.






