AUTOMATED HARVESTER VESSEL AT MAKABAGONG BANGKA SA MGA MANGINGISDA NG ZAMBALES, INIHAHANDA NA – GOV. EBDANE

Jennifer Go
5 Min Read

IBA, Zambales— Bibili ang pamahalaang panlalawigan ng Zambales ng isang automated harvester vessel para sa pangingigisda na may kasamang banka kasabay ng pagsasanay sa bago nitong teknolohiya para sa mga lokal na mangingisda upang mapalakas ang kanilang kakayahang mangisda at makasabay sa kumpetensya sa gitna ng masamang kalagayang  sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Gob. Hermogenes Ebdane Jr. na layunin ng pamahalaang panlalawigan na simulan ang modernisasyon ng lokal na industriya ng pangingisda sa pamamagitan ng 96-feet long, steel-hulled harvester boat na may kasamang dalawang reinforced fiberglass lightboats at isang service boat sa ilalim ng programa na tulong at inisyatibo ng Zambales Maritime Development Council (ZMDC).

Ang mga sasakyang pandagat ay gagawin ng Stoneworks Specialist International Corp. sa General Trias, Cavite, ang pinakamalaking pagawaan ng fiberglass na bangka sa bansa, na gumagawa rin ng mga tugboat, barge, at iba pang pasadyang sasakyang-pandagat. 

Papatakbuhin ang mga ito ng mga miyembro ng Zambales Provincial Fishery Association, isang pederasyon ng mga grupo ng mangingisda sa buong lalawigan.

Habang hinihintay ang pagdating ng mga bagong sasakyang pandagat ngayong taon, sasailalim sa pagsasanay sa modernong pagpapatakbo ng barko ang mga lokal na mangingisda sa tulong at pangangasiwa ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) sa bayan ng San Narciso.

Binigyang-diin ni Ebdane na ang bahagi ng pagsasanay sa programa ng tulong sa mangingisda ay kasinghalaga ng pagbili sa mga bagong sasakyang-dagat. 

“Ang kaalam ng ating mangingisda para sa bagong teknolohiya ay pagpapaunlad ng bagong kakayahan na kailangan para makipagsabayan ang ating mga mangingisda. 

Kailangan nilang umangkop upang manatili at umunlad,” dagdag niya.

Hindi bababa sa dalawang grupo ng mangingisda ang sasabak sa pagsasanay sa ilalim ng PMMA na Inaasahang susunod pa ang iba pang grupo ng mangingisda.

Matagal nang itinaguyod ng gobernador ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga lokal na mangingisda bilang estratehikong solusyon sa problema sa WPS, kung saan hindi makapasok ang mga lokal na mangingisda sa kanilang tradisyonal na pangisdaan dahil sa pananakot ng mga barkong militar ng China.

Iginiit ni Ebdane na bagamat ang sitwasyon sa WPS ay may mga implikasyong pang-ekonomiya, pampulitika, at pangseguridad, ang kapakanan ng mga lokal na mangingisda ang dapat na pangunahing pagtuunan.

Noong nakaraang taon, pinangunahan ni Ebdane ang pagbuo ng ZMDC upang bantayan, pangasiwaan, at pamahalaan ang mga kooperatiba ng mangingisda, gayundin ang pamamahagi ng mga payao na nagkakahalagang P5 milyon sa 26 na grupo ng mangingisda na kabilang sa Zambales Provincial Fishery Association.

Isa pang mga payao na nagkakahalagang P5.6 milyon ang ipamamahagi ngayong taon sa ilalim ng programa ng pamahalaang panlalawigan para sa kabuhayan sa payao sa pamamagitan ng ZMDC.

Sinabi ni Ebdane na ang pagbili ng modern harvester boat ay isang hakbang at para sa pangmatagalang solusyon sa problema sa WPS sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga lokal na mangingisda ng makabuluhang pagkakataong makipagsabayan.”

Samantala, dahil sa posibilidad na makapagpatakbo ng modernong bangkang pangisda na may mga awtomatikong katangian tulad ng computerized boom at power block, naghahanda na sa pagsasanay ang mga lokal na mangingisda, ayon kay Leonardo Cuaresma, pangulo ng New Masinloc Fishermen’s Association, isa sa mga grupo sa ilalim ng pederasyong panlalawigan ng mangingisda.

“Bago sa amin ‘yan—wala pang bakal na bangkang pangisda dito sa Zambales, at pati ang mga instrumento ay computerized na. Kaya kailangan talagang pag-aralan namin kung paano gamitin ito,” ani Cuaresma.

Sinabi rin ni Cuaresma na sabik ang mga maliliit na mangingisdang gumagamit ng payao sa posibilidad na makagamit ng komersyal na bangkang pangisda, dahil inaasahan nitong makapagpapataas ng kanilang huli at bumababa naman ang kanilang gastos sa pag-ani.

“P’wedeng ang aming samahan na mismo ang magsimbada o mangisda ng may sariling banyan  na hindi na kailangang magbayad pa kami o mag arkila ng bangka sa mga commercial  fish concessioner na may mga pag-aari ng malalaki bangaka, napakalaking tulong po ito ng aming gobernador, dagdag pa ni Cuaresma. (30)

Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *