CANDELARIA, ZAMBALES – Bilang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan ng pwersang panseguridad at pamahalaang lokal, nagbigay ng courtesy visit si PBGEN Ponce Rogelio I. Peñones Jr., Acting-Regional Dirctor ng Police Regional Office 3 (PRO3), kay Zambales Governor Hermogenes “Jun” E. Ebdane Jr. nitong Huwebes, Hulyo 3, 2025.
Naganap ang pulong sa bayang kinagisnan ng Gobernador sa Barangay Sinabacan, Candelaria, Zambales.
Naging oportunidad ang pagdalaw para sa opisyal na magpakilala ito bilang bagong itinalagang Acting-Regional Director sa pamunuan ng lalawigan upang talakayin ang mga isyung may kinalaman sa kapayapaan, kaayusan, at kaligtasang pampubliko sa rehiyon partikular sa lalawigan Zambales.
Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang pagpapalawig na umiiral sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng PRO3 at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales.
Kabilang sa mga tinalakay ay ang mga kasalukuyang kampanya laban sa krimen, koordinasyon sa kahandaan at pagtugon sa sakuna, mga programa para sa kaligtasan ng komunidad, at mga estratehiya upang mapanatili ang pangkaraniwang mapayapang kapaligiran ng lalawigan.
Binigyang-diin ni Peñones ang pangako ng PRO3 na suportahan ang mga inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga Zambaleño.
Si Ebdane, ay dating Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at naging PNP-NCR at ika-9 na Chief PNP na naglingkod mula Hulyo 2002 hanggang Agosto 23, 2004 at naging National Security Advicer at nakilala sa kanyang matatag na paninindigan sa kapayapaan at kaayusan ng bansa.
Ipinahayag niya ang kanyang pagpapahalaga sa mga pagsisikap ng PNP at muling iginiit ang buong suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mandato ng PRO3.
Ang courtesy visit ng Director sa Gobernador ay nagpapakita ng pagkilala ng PNP sa kritikal na papel ng mga lokal na pamahalaan sa epektibong pagpapatupad ng batas at kaligtasan ng komunidad.
Ito ay sumisimbolo sa aktibong pamamaraan ng pamunuan ng PRO3 na paigtingin ang bukas na linya ng komunikasyon at pagtibayin ang kooperasyong pang-ahensya.
Ang PRO3, na nakabase sa Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga, ay may hurisdiksyon sa rehiyon ng Gitnang Luzon, kabilang ang mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Tarlac, Nueva Ecija, at Aurora.
Walang tiyak na detalye sa operasyon ang inihayag mula sa pribadong pulong, ngunit iniulat na parehong nagpahayag ng pag-asa ang mga opisyal sa patuloy na produktibong pakikipagtulungan para sa kapakanan ng mga mamamayan ng Gitnang Luzon at Zambales.
Nagtapos ang pagdalaw sa isang magandang pagwawakas, na nagpapatibay sa kanilang pinagsasaluhang adhikain na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan at mas malawak na rehiyon.