GOB. EBDANE, MAS PINA-IIGTING ANG MGA ADHIKAIN PANG IMPRASTRAKTURA AT PAMAMAHALA SA ZAMBALES 

Jennifer Go
3 Min Read

IBA, Zambales— Muling ipinagmalaki ni Zambales Gobernador Hermogenes “Jun” Edejer Ebdane Jr. ang matibay na ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang sektor sa kanyang adhikain para sa inklusibo at patuloy na pag-unlad ng lalawigan, sa ginanap na ika-14 na Pulong ng Buong Konseho ng Provincial Development Council (PDC) noong Biyernes.

Dito nagsam-sama at nagpulong ang mga pangunahing stakeholder mula sa mga lokal na pamahalaan, ahensyang pambansa, at lipunang sibil upang talakayin ang mga update sa mga kasalukuyang programa, proyekto, at inisyatibong umaayon sa pangmatagalang adyenda ng pag-unlad ng lalawigan.

Isang pangunahing na tiningnan  sa sesyon ang pag-endorso ng PDC sa mga iminungkahing proyektong imprastruktura sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3 at ng Zambales 2nd Engineering District.

Ito ay inaasahang magpapasigla sa mga proyektong imprastruktura at magsusulong ng paglago ng ekonomiya sa buong lalawigan.

“Ang pag-endorsong ito ay sumasalamin sa patuloy nating pakikipagtulungan sa mga pambansang ahensya upang matiyak na matatanggap ng mga Zambaleño ang mga serbisyo at imprastrukturang nararapat sa kanila na may malaking ambag sa kanilang kabuhayan,” ani Ebdane.

Binanggit din ng gobernador na potensyal ang Zambales na maging nangungunang lalawigan sa bansa.

“Malaki ang potensyal ng Zambales na maging isa sa mayayamang lalawigan, hindi lamang sa Gitnang Luzon, kundi sa buong Pilipinas. 

Basta maayos ang ating mga sistema, proyekto, at programa, at patakbuhin natin nang episyente ang pamahalaan, naniniwala akong darating ang araw na iyon,” pahayag ni Ebdane.

Nanawagan din siya para sa pagkakaisa at integridad sa pamamahala.

“Ang tanging hiling ko ay isabuhay natin ang mabuting pamamahala — isang pamahalaang tapat at tunay na nagmamalasakit sa mamamayan. Kung magkakaisa tayo sa layuning ito, walang imposible para sa Zambales,” dagdag niya.

Kinilala rin ang mga kontribusyon ng mga outgoing na miyembro ng PDC sa kanilang serbisyo at mahahalagang naiambag sa konseho.

Binigyang-diin sa pulong, ayon sa gobernador, ang kahalagahan ng inklusibong pagpaplano, malinaw na pamamahala, at patuloy na pagtutulungan ng mga lider at komunidad sa pagsulong ng mga layunin sa pag-unlad ng lalawigan.

TAGGED:
Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *