Lumalabas ngayon at nadadawit sa kaso ng mga nawawalang sabungero ang aktres na si Gretchen Barretto ayon sa source na nagpakilalang alyas “Totoy”.
Ayon sa ulat ng Bilyonaryo News Channel, kumakalat kasi ngayon na espekulasyon sa social media na si Gretchen ang babaeng celebrity na tinutukoy ni alyas “Totoy” na kabilang sa “alpha members”, na pangunahing grupo umano na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.
Aktibo umano ang partisipasyon ng babaeng celebrity sa grupo dahil ani alyas “Totoy”: “Isa rin siya ‘pag nagme-meeting, andu’n siya. Isa rin siya na susi kung sakali.”
Bagaman hindi pinangalanan ni alyas “Totoy” ang naturang celebrity, agad nag-espekula ang mga netizen na si Gretchen ang tinutukoy niya.
Iniugnay si Gretchen sa kaso dahil sa pagtuligsa niya noon sa pag-iimbestiga ng Senado tungkol sa mga nawawalang sabungero at sa relasyon niya sa gambling operator na si Atong Ang — na madalas niyang tawaging “e-sabong kingpin”.
Nauna nang isiniwalat ni alyas “Totoy”, isa sa anim na akusado sa mga missing sabungero, na sinakal umano ng wire at ibinaon sa Taal Lake ang mga biktima.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang pahayag si Gretchen sa pagdadawit sa kanya sa mga nawawalang sabungero.