P1.17- Bilyong Halaga ng Shabu, Narekober ng mga Mangingisda sa Dagat ng Pangasinan

Randy Datu
4 Min Read

Lingayen, Pangasinan– Pitong sako ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang halagang ₱1.17 bilyon sa merkado ang natagpuang lumulutang sa tatlong baybaying-dagat ng Pangasinan nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa ulat na isinumite ng pulisya ng Rehiyon ng Ilocos, ang mga sako, na may kabuuang bigat na 183 kilo, ay natagpuan ng mga mangingisda sa munisipal na katubigan ng Bolinao, Bani, at Agno.

Ipinakita ng paunang imbestigasyon na tatlong mangingisda mula sa Bolinao, na pauwi na sakay ng kanilang bangka, ang nakakita ng limang sako na lumulutang malapit sa mga barangay ng Balingasay at Luciente 1st.

Nakuha ng mga mangingisda ang mga sako at natagpuan sa loob ang puting kristalinong pulbos na nakaimpake sa ilang vacuum-sealed na plastic bag na may mga marka na Chinese Character at ang mga bag ay may drawing na “frozen dried durian.”

Pagdating sa dalampasigan, agad na iniulat ng mga mangingisda ang bagay sa mga opisyales ng barangay na nakipag-ugnayan naman sa sub-station ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lugar.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga sako ay naglalaman ng 130 kilo ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang halagang ₱884 milyon.

Samantala, sa kalapit na bayan ng Agno, isa pang grupo ng mangingisda ang nakakuha ng lumulutang na sako na naglalaman ng shabu malapit sa baybayin ng Barangay Aloleng.

Sinabi ng mga awtoridad na ang sako ay naglalaman ng 23 kilo ng ilegal na droga na may tinatayang halaga sa merkado na ₱156 milyon.

Sa parehong araw, isa pang sako na naglalaman ng puting pulbos na nakaimpake sa ilang vacuum-sealed na plastic bag ang natagpuang lumulutang malapit sa baybayin ng Barangay Dacap Sur sa bayan ng Bani.

Ang ilegal na droga ay may bigat na tinatayang 30 kilo at may halagang ₱170 milyon.

Ang lahat ng sako ng shabu ay iniabot sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa laboratory examination.

Samantala, Nauna rito, sampung sako na naglalaman ng shabu na may tinatayang halagang ₱1.5 bilyon sa merkado ang natagpuang lumulutang sa katubigan sa labas ng Masinloc, Zambales. Sinabi ng PDEA na ang ilegal na droga, na may bigat na 222.65 kilo, ay nakaimpake sa 223 vacuum-sealed na plastic bag.

Kahapon, pinarangalan ni PCG chief Admiral Ronnie Gil Gavan ng mga sertipiko at pabuya (financial incentives) ang mga mangingisda mula sa Bataan na nakakita ng shabu sa Masinloc.

“Nais naming pasalamatan sila sa pamamagitan ng pagkilala na ang mga Pilipino ay may malaking papel sa pagpapatupad ng batas,” wika ni Gavan.

Ipinahayag niya ang kanyang pag-aalala sa pagkakahuli ng ₱1.17-bilyong halaga ng shabu sa Pangasinan.

“Ang ilegal na droga ay laging dahilan ng pagkabahala. Ito ay banta sa lipunan at sa mga tao,” dagdag ni Gavan. Sinabi niyang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga ilegal na drogang itinapon sa katubigan ng bansa.

“Magkatulad ang pamamaraan. Ang ilegal na droga ay nakaimpake sa vacuum-sealed na plastic bag at inilagay sa mga sako na natagpuang lumulutang ng mga mangingisda,” pagpuna ni Gavan.

Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *