CAVITE, Philippines — Nasakote ng mga awtoridad ang isang negosyante sa isinagawang buy-bust operation nitong nakaraang gabi sa Barangay Mataas na Lupa, bayan ng Indang, Cavite.
Kinilala ang suspek sa pangalang “Florgil”, nasa hustong gulang at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Police Colonel Dwight Alegre, hepe ng Cavite Provincial Police Office, inilunsad ng Indang Intelligence operatives ang operasyon nang alas-10:40 ng gabi matapos ang ilang araw na pagsubaybay at pagsusuri sa kanyang ilegal na gawain.
“Napatunayan na aktibo siya sa pagtitinda ng droga kaya agad na isinagawa ang operasyon,” pahayag ni Alegre.
Nasamsam sa suspek ang higit 55 gramo ng shabu na may tinatayang halagang P374,000, kasama ang isang calibre .45 pistolang may tatak na “Shooters Thunderbolt” (serial number: TB10180703), isang magazine, mga bala, isang itim na coin purse, at ang perang ginamit sa buy-bust operation.
Sa Ngayon ay patuloy na imbestigahan ang kaso habang inihahanda ang mga kaukulang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal na pagmamay-ari ng armas laban sa suspek.