WALONG KABABAIHAN NA BIKTIMA NG “HUMAN TRAFFICKING” SA ZAMBALES, NAILIGTAS NG NBI

Randy Datu
2 Min Read

SAN ANTONIO, Zambales – Mabilis na tumugon ang mga social worker ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3-Central Luzon upang tulungan ang walong indibidwal na nailigtas sa isang entrapment operasyong laban sa human trafficking na pinamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Miyerkules (Mayo 14) sa isang bar sa East Dirita, San Antonio, Zambales.

Ayon kay DSWD spokesperson at Assistant Secretary Irene Dumlao, agarang naabot ng mga social worker ang tulong para sa walong biktima-survivor, kabilang ang tatlong menor de edad na biktima ng pang-aabusong sekswal.

“Pagkatapos ng operasyong pagsagip, agad na siniguro ng aming mga social worker ang kaligtasan ng mga biktima at nagsilbing saksi sa kanilang mga sinumpaang salaysay.

Magdaraos din kami ng mga sesyon ng psychosocial counseling upang matulungan silang makabangon mula sa traumang naranasan,” pahayag ni Assistant Secretary Dumlao noong Biyernes (Mayo 16).

Giit ng tagapagsalita ng DSWD, tatlo sa mga biktima-survivor ay ipapasa sa isang non-government organization (NGO) na kaakibat ng Kagawaran para sa pansamantalang pangangalaga, samantalang ang lima ay magkakasamang muli sa kani-kanilang pamilya.

Pinapaalalahanan din ni Assistant Secretary Dumlao ang publiko na magsumbong ng mga kaso ng human trafficking sa mga awtoridad.

“Bilang kapwa-chair ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), mariin ang pagkondena ng DSWD sa mga gawaing trafficking in persons.

Hinihiling namin ang tulong ng lahat upang sugpoin ang krimeng ito sa pamamagitan ng pag-uulat sa mga kaso ng human trafficking at pang-aabusong sekswal sa mga kinauukulan,” dagdag niya.

Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *