PAGSANJAN, Laguna – Nakuha ni dating Gobernador ng Laguna na si E.R. Ejercito ang posisyon bilang alkalde ng Pagsanjan, Laguna, sa kabila ng pagiging guilty sa hatol ng Sandiganbayan at habang-buhay na diskwalipikasyon sa pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Base sa ulat, idineklara nang alkalde si Ejercito matapos siyang manalo sa midterm elections ng 2025, kahit may graft case siya kaugnay ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Pagsanjan noong 2008.
Ang kaso ay dahil sa umano’y ilegal na kontrata sa mga insurance claim para sa mga bangkero at turista sa Pagsanjan Rapids.
Idineklara siyang guilty ng First Division ng Korte Suprema at hinatulan ng 6 hanggang 8 taóng pagkakakulong, kasáma ang habang-buhay na diskwalipikasyon sa serbisyo publiko.
Gayunpaman, iginiit ni Ejercito na hindi pa tapos ang laban dahil wala umanong mali sa kanyang ginawa.
“Huwag po tayong maging bobo at tanga sa batas”. May proseso po ito. Kung natalo man ako sa First Division ng Korte Suprema, may mosyon pa para sa pag-uulit ng pagpapasiya (motion for reconsideration). Pagkatapos noon, may en banc pa,” pahayag niya.
Ayon naman kay Comelec Chairman George Garcia, hindi pa pinal at ipinatutupad ang desisyon kay Ejercito dahil maaari pa siyang maghain ng mosyon para sa pag-uulit ng pagpapasiya.
(Ang “en banc” ay tumutukoy sa buong panel ng mga hukom sa Korte Suprema na magdedesisyon nang kolektibo.)