IBA, ZAMBALES — Muling pinatunayan ng dating heneral na si Hermogenes Ebdane Jr. ang kanyang dominasyon sa pulitika ng Zambales matapos siyang iproklama bilang gobernador-sa pangatlong termino nito dakong alas-4 ng umaga nitong Martes, Mayo 13, kasunod ng malawak na pagkapanalo laban sa kanyang katunggali na si Chito Balintay na tumatayong lider ng mga katutubong Aeta.
Sa datos ng Commission on Elections (Comelec) ng media server, nakamit ni Ebdane ang 306,367 boto, samantalang 30,857 lamang ang naipon ni Balintay.
Sa kabuuang 552,136 rehistradong botante sa lalawigan, 352,948 lang ang aktuwal na bumoto batay sa naprosesong election returns.
Buong lakas na naghari ang kanyang lokal na partido, ang Sulong Zambales—na itinatag niya noong 2012—sa halos lahat ng pangunahing posisyon sa lalawigan. Kabilang dito ang mga kaalyado at kapamilya ni Ebdane.
Ang magkapatid na sina Jaq Khonghun at Jay Khonghun ay muling nagwaging vice governor at kinatawan ng unang distrito, ayon sa pagkakabanggit, nang walang kalaban.
Sa ikalawang distrito, tinalo ni incumbent Congresswoman Doris Bing Maniquiz ang dating kinatawan na si Cheryl Deloso-Montalla sa may botong 173, 074 laban sa 79,928.
Dagdag pa rito, dalawa sa mga anak ni Ebdane ang nakapasok sa puwesto: si Rhundy Ebdane ay nahalal sa provincial board ng ikalawang distrito, habang si Jun Omar Ebdane ay muling nanungkulan bilang alkalde ng bayan ng Botolan.
Ang malawakang tagumpay ni Ebdane at ng kanyang partido ay nagpapakita ng patuloy na suporta ng mga Zambaleño sa kanyang pamumuno, habang nagpupugay sa demokratikong proseso ng halalan.






