“BAHAY KALINGA” SA LALAWIGAN NG ZAMBALES, PROYEKTONG HANDOG NI NANAY BING, PARA SA MGA BIKTIMA NG PANG-AABUSO SA KABABAIHAN

Pillars Central News
4 Min Read

By: Jennifer R. Go

IBA, Zambales – Masusing pinag-aaralan ni Zambales 2nd District Rep. Doris Maniquiz ang pagpapatayo ng Bahay Kalinga sa Sitio Olpoy, Barangay Amungan sa Iba, Zambales na kung saan ito ay isang proyektong malapit sa kanyang puso.

Ayon kay Maniquiz, ang pansamantalang tirahan ay ilalaan para sa mga batang babae na biktima ng ibat ibang uri ng pang-aabuso sa sexual, physical, verbal at emotional ay nandito kami para tumulong,”.

Sinabi pa ni Maniquiz na isa sa nag-udyok sa kanya sa nasabing proyekto ay ang pagkabahala niya sa ulat ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na mayroong naitalang 379 na kaso ng pang-aabuso sa mga bata mula taong 2020 hanggang 2022, kung saan 216 ay babae at 163 ay lalaki.

“Halos 78 porsiyento sa ulat na ito ay may kinalaman sa sekswal na pang-aabuso, at 67 porsiyento sa mga ito ay ginawa ng mga kapamilya ng biktima gaya ng ama, lolo, o pinsan.

“Nakapanlulumo talagang malaman na ang mga batang ito ay dumaranas ng ganitong kalupitan,” ani Maniquiz.

Binanggit din niya ang isang kaso kung saan ginahasa ng isang tsuper ng traysikel ang kanyang dalawang anak na babae habang nasa trabaho ang kanilang ina bilang kasambahay.

Ayon sa kongresista, sa kabila ng takot at hiya, naglakas-loob ang dalawa na isumbong ang krimen sa pulisya, na nagresulta sa pagkahuli ng ama.

“Ang insidenteng ito ay tiyak na nag-iwan ng mga pilat sa puso at isipan ng dalawang biktima,” giit niya. “Nakakahindik ito.”

Kaya naman agad na Itinutulak ni Maniquiz ang aprubasyon ng House Bill 7707 na naglalayong magtatag ng Zambales Bahay Kalinga.

“Layunin ng panukalang batas na magbigay ng proteksyon, pag-aaruga, at rehabilitasyon sa mga biktima,” ani Maniquiz, na nakikipag-ugnayan kay Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. para sa pagkumpleto ng proyekto.

Sinabi ni Gob. Ebdane na sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang gastusin sa personnel, maintenance, at operasyon, samantalang ang kongresista ang maglalaan ng lupa at pondo para sa konstruksiyon.

Samantala,mabilis namang ipinasa ang nasabing resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan noong 2024 bilang suporta sa proyekto, na naglalayong makapaglingkod sa 150 na pasyente at nangangailangan ng P100 milyong budget.

“Mayroon na tayong P40 milyon na naipon para sa proyekto, at umaasa tayong makakalap ng natitirang P60 milyon.

Balak din nating magtayo ng dormitoryo, mga silid-aralan, kusina, labahan, therapy area, klinika, livelihood training center, prayer room, recreation room, opisina, at staff house,” dagdag ni Congw. Maniquiz.

“Ang Bahay Kalinga ay hindi lang tirahan kundi sentro ng paghilom at pagkatuto, upang buhayin ang kumpiyansa ng mga bata at pigilan ang muling pagdanas nila sa impiyernong karanasan.”

Kamakailan lang ay inspeksiyon ni Maniquiz at Ebdane ang konstruksiyon para masiguro ang pag-usad nito.

“Nais nating bigyan sila ng bagong pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan. Ang Bahay Kalinga ay magiging paalala sa lahat na itigil ang masasamang gawain at protektahan ang mga bata.

Sa tulong nito, matutulungan natin silang magbangon at ipakita ang positibong pananaw sa buhay,” pagtatapos ni Maniquiz. (30)

TAGGED:
Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *