by: Pillars Central News
ANGELES CITY, Pampanga, Philippines — Isang Koreanong nasyonal ang pinatay sa pamamaril dahil sa pagnanakaw noong Linggo ng hapon, Abril 20, sa mismong Korean Town area sa Barangay Anunas.
Agad naman naglabas ng pahayag noong Lunes si Mayor Carmelo Lazatin Jr., na kinondena ang insidente at inutusan ang mga lokal na awtoridad na resolbahin ang kaso sa loob ng 72 oras.
Itinuro niya si acting city police director na si Col. Joselito Villarosa Jr. na “gamitin ang lahat ng kinakailangang paraan upang mabilis na matukoy at mahuli ang suspek.”
Giit ni Lazatin, pangunahing priyoridad ng lungsod ang kaligtasan ng mga residente, lokal man o dayuhang turista.
Ayon sa paunang ulat ng pulisya, naganap ang insidente nang 1:50 PM sa kahabaan ng Fil-Am Friendship Highway, harap ng isang bangko sa Korean Town area.
Ang biktima, na kilala sa apelyidong Kim, ay nakatayo sa labas ng Bank of the Philippine Islands (BPI) Friendship branch nang lapitan ng dalawang suspek na nakasakay sa Yamaha Nmax na motorsiklo.
Sinubukan umanong agawin ng back rider ang bag ng biktima. Nang tumutol si Kim, binaril siya ng salarin sa tiyan bago tumakas kasama ang kasabwat.
Agad namang dinala si Kim sa malapit na ospital ngunit idineklarang Dead on Arrival.
Inilarawan ng mga saksi ang suspek na nakajacket, pantalon, helmet, at reflectorized na vest habang sinisiyasat ngayon ang CCTV footage sa lugar.
Si Kim ay nasa hustong gulang at pansamantalang naninirahan sa kalapit na Prism Hotel nang mangyari ang insidente.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ito ang unang insidente ng pagpatay at pagnanakaw sa isang Koreano sa kasalukuyang taon.
Subalit, may katulad na insidente rin noong Pebrero 18, 2014, nang barilin ang isang Koreana ng mga lalaking nakamotor sa parehong barangay.
Ang biktima noon ay may tatlong kasama tatlo, na papunta rin sa Prism Hotel nang tambangan.
Sa ngayon hinihikayat ng awtoridad ang sinumang may impormasyon na magsalita upang mabigyan ng hustisya ang kaso.
Samantala nag-alok naman ang Korean Community Association sa Angeles City ng P200,000 na reward para sa anumang impormasyong makakatulong sa pagtukoy at paghuli sa suspek sa pagpatay kay Kim.
